Wednesday, 24 October 2018

Leni Robredo tiwala sa ‘no names’ ng oposisyon


Para palakasin ang loob ng mga senatorial candidates ng Oposisyon Koalisyon, ibinigay na halimbawa ni Vice President Leni Robredo ang kanyang sarili noong 2016 national elections.

Sa pormal na pagsasapubliko ng walong kandidato ng oposisyon, sinabi ni Robredo na nagsimula siya sa one percent na tsansa na mahalal at siya pa ang naluklok bilang pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

“Noong una akong humarap sa inyo noong ako ay kumakandidato noong 2016, lahat nagsasabi na wala iyang pag-asa, hindi ‘yan kilala, mas malalaking pangalan ang aking katunggali. Nag-umpisa ako 1 percent, parang wala talagang kalaban-laban. Pero dahil sa pagkakaisa natin, naging possible ang 1 percent to Vice President,” sabi ni Robredo.


Kayat aniya hindi rin imposible na manalo maging ang mga halos hindi kilalang kandidato ng koalisyon.

Sa walo, kilala na sina dating Interior Sec. Mar Roxas, Sen. Bam Aquino, Magdalo Rep. Gary Alejano at dating Deputy Speaker Erin Tañada.

Ang apat iba ay mga baguhan sa politika, sina dating Solicitor General Florin Hilbay, Free Legal Assistance Group (FLAG) chief Chel Diokno, dating Bangsamoro Transition Commission member Samira Gutoc, at election lawyer Romy Macalintal.

“May nanggaling sa kahirapan, may nanggaling sa malalaking pangalan, may mga dati nang nahalal, may isasabak sa halalan sa unang pagkakataon, pero lahat sila hindi matatawaran ang kakayahan,” dagdag pa nito.

Tiniyak din ni Robredo na nanatiling matatag ang oposisyon sa kabila ng mga hamon na nagmumula sa administrasyon.

source:abante

0 comments

Post a Comment