Sunday, 11 November 2018

3 pulis-Valenzuela, huli sa 'pangongotong' sa mga junk shop


Arestado ang 3 pulis sa entrapment operation Martes ng gabi dahil umano sa pangongotong sa mga junk shop sa Valenzuela City.

Kinilala ang mga pulis na sina SPO4 Seraffin Adante, PO1 Ryan Paul Antimaro, at PO1 Rey Harvey Florano na nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 8 ng Valenzuela City police.

Nahuli rin ang kanilang kasamahang sibilyan na kinilalang si Amado Baldon Jr.


Ayon kay Senior Supt. Romeo Caramat Jr., commander ng Philippine National Police-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF), hinihingan umano ng mga pulis ang mga junk shop ng P200 hanggang P500.

Sa entrapment operation, naaktuhan ng PNP-CITF na tinanggap ng mga pulis ang P200 mula sa tauhan ng isang junk shop habang nakasakay sa police mobile.

"Nangungulekta itong mga pulis natin na supposed to be nagpapatrolya. Umiikot sa lahat ng junk shops doon sa Valenzuela," ani Caramat.

"It’s a form of protection money itong binibigay nila," dagdag niya.


Ayon sa PNP-CITF, hindi lang isang police mobile ang umiikot sa mga junk shop gabi-gabi. May mga opisyal din umanong sangkot dito.

"According sa report, kapag bumaba ang opisyal, P500 ang every junk shop," ani Caramat.

Pinabulaanan naman ito ng mga hinuling pulis.

"Junk shop na lang po kokolektahan pa namin. Wala na pong kinikita 'yung junk shop," depensa ni Florano.

"First day lang ako sa kanila. Sumama lang ako para ma-familiarize sa lugar eh," ayon naman kay Adante.

Kakasuhan ang mga hinuli ng extortion at grave misconduct.


Source: abs-cbn

0 comments

Post a Comment