Wednesday, 7 November 2018

Kiko Pangilinan sa Malacañang: Kailan tayo Kikilos?


Binatikos ni Senador Kiko Pangilinan ang Malacañang na bigo umanong pababain ang inflation at pangkalahatang presyo ng mga bilihin.

Isinumbat na dalawang buwan nang 6.7 porsyento ang inflation rate.

Tinukoy din na umakyat pa ngayon sa 10.7 porsyento ang bilis ng akyat ng presyo ng bigas samantalang 10.4 porsyento ito noong Oktubre.

Ayon kay Pangilinan, hindi natupad ang pangako ng economic team ng Malacañang noong Oktubre 7 na mapapababa na ang presyo ng mga bilihin at bibigyan ng tulong pinansyal ang pinakamahihirap na pamilya na unang apektado nito.

“Hanggang ngayon, wala tayong nakikitang kongkretong aksyon ng gobyerno para lutasin ang problemang ito,” sabi ni Pangilinan.

Diin nito, noon pang Setyembre nagbigay ng mungkahi ang oposisyon para mapababa ang presyo ng mga bilihin.

Pangunahin dito ang suspensyon ng itinaas na buwis sa pag-aangkat ng petrolyo.

Inungkat ang sinabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na bababa ang inflation kapag itinigil muna ang pagkulekta ng excise tax sa petrolyo.

Noon pa rin daw sila nangangalampag na apurahin ang unconditional cash transfer sa mahihirap na pamilya.

Utos ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na bigyan ng P200 kada buwan ang 10 milyong pinakamahihirap na pamilya.

Iginiit din ni Pangilinan na pakinggan na ng Malacañang ang panawagan na balasahin ang National Food Authority (NFA) at mga patakaran nito para mapababa pa ang presyo ng bigas.

“Kailan tayo kikilos? Muli naming iginigiit na makinig ang gobyerno dahil hindi lang nila ito problema kundi problema ng buong sambayanan,” diin niya.

source:abante

0 comments

Post a Comment