Friday, 30 November 2018

Sino ang may karapatan sa bangkay ng lalaki, ang legal wife na hiwalay na o ang kinakasama?


Kung pumanaw nga ba ang isang lalaki, sino ang may karapatan sa kaniyang mga labi at burol— ang legal wife ba ngunit hiwalay na, o ang kinakasama at nag-alaga sa kaniya hanggang sa huli niyang hininga?

Aakalaing sa pelikula o teleserye lang nangyayari ngunit ang naturang sitwasyon ay maaari ding maganap sa tunay na buhay kung saan kailangang desisyunan kung sino ang may karapatan sa katawan ng isang yumao.

Sa "Kapuso sa Batas" sa "Unang Hirit," binanggit ni resident lawyer Atty. Gaby Concepcion ang kaso ng Valino vs. Adriano, kung saan nagdesisyon ang Supreme Court noong 2014 na panigan pa rin ang legal na asawa.

Sa kaso ng Valino vs. Adriano, sinabing halos 30 taon nang hiwalay si mister sa legal niyang asawa nang ligawan ng lalaki ang kaniyang common-law wife.

Pinanindigan ng common-law wife na siya ang nag-aruga at nagmahal sa lalaki. Samantalang nasa Amerika naman noon ang legal na asawa at pamilya niya.

Nagkagulo nang ilibing agad ng common-law wife ang lalaki at hindi na hinintay pa ang legal na pamilya na makauwi sa Pilipinas.

Sa huli, tinukoy sa batas na ang obligasyon para sa mga pagsasagawa ng pagburol at paglibing ay nasa legal spouse o lehitimong asawa.

Kung wala naman ang asawa, susunod ang mga descendant tulad ng mga anak o apo. Bukod sa kanila, susunod naman ang ibang ascendants tulad ng mga magulang, lolo at lola. At kung wala pa rin, ay mga kapatid na o mga kamag-anak.

Binanggit din ni Atty. Gaby na walang konsepto ng "common law life" sa Pilipinas, kaya "posibleng" sa pinakahuli na lang ito na may karapatan sa bangkay.

Ipinayo ni Atty. Gaby na gumawa ng huling testamento dahil ito ang susundin kung saan at paano ililibing ang isang tao. Panoorin ang buong pagtalakay sa naturang usapin.


source:gma

0 comments

Post a Comment