Monday, 5 November 2018

Watch: "16-anyos, binugbog ng barangay chairman sa loob mismo ng Barangay Hall"


Binugbog ang 16-anyos na binatilyo ng isang kapitan at lima pang kasama sa Sta. Cruz, Maynila.

Ayon sa ulat ni Ian Cruz sa "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nagtamo ng malalaking sugat sa ulo, galos sa mukha at sugat sa binti ang binatilyo.

Samantala, kinilalang naman ang inirereklamong kapitan na si Felipe "PJ" Falcon Jr.

Ayon sa kaibigan ng biktima na saksi umano sa insidente, naganap ang panggugulpi sa loob mismo ng Barangay Hall noong Sabado.

Katulong pa raw ng kapitan sa pangbubugbog ang hindi bababa sa lima pang tao na pinaniniwalaang mga kagawad o tanod na umano'y nakainom.

Nagsimula raw ito nang puntahan ng biktima ang kaibigang hinuli ng taga-barangay para iabot ang cellphone ng kaibigan. Palabas na raw ng barangay ang biktima nang mapagdiskitahan umano siya ni Falcon.

Ayon sa isang saksi, tinanong ni Falcon ang biktima kung kilala siya nito at saka pinabalik sa barangay hall. Pinaghubad pa raw ng damit ang biktima.


“Pinagsasampal po siya ni chairman tapos dinidbidiban siya, pino-provoke siyang pumalag. Dun ko na po nakita si Popoy, sinapak si chairman. Pero bago po niya sapakin ng dalawang beses si chairman, ilang beses na po siyang sinusuntok ni chairman sa katawan,” kuwento niya.

Dahil dito, kinuyog ang biktima ng mga kasamahan ng kapitan.

"Kinakasahan po ng baril si Popoy eh. Pinapapasok sa bunganga niya pinaka-muzzle ng baril. Tapos inuuntog po siya sa gilid ng container, sa may Xerox," kuwento pa ng saksing kaibigan.

Makikita ang bakas ng dugo sa photocopying machine at gilid ng bintana ng barangay kung saan umano inuntog ang ulo ng biktima at may mga dugo rin sa lamesa sa barangay hall, na nakuhanan ng litrato.

Naghain na ng reklamo ang biktima sa Manila Police District (MPD) laban kay Falcon at mga 'di nakilalang kasama nito.

“Yung ginawa ni chairman bilang public servant di naman tama di ba? Kasi dapat bilang public servant, malawak ang iyong pang-unawa kung may pagkukulang o may kasalanan yung bata, dapat sampahan na lang yan ng kaso hindi yung sinasaktan at binubugbog,” sabi ni Police Senior Inspector Ana Lourence Sambajon ng Public Information Office ng MPD.

Ipaghaharap sila ng reklamong physical injuries in relation to anti-child abuse law.

Sabi ng MPD, agad na rumesponde ang mga pulis nang magreklamo ang mag-ama pero hindi na nakita ang kapitan.

Ayon sa ulat, ilang beses na sinadya ng GMA News ang barangay pero wala roon ang kapitan. Tinungo rin ang sinasabing tahanan ni Falcon pero wala siya roon.

Humingi rin ang GMA News ng kopya ng CCTV sa barangay pero sira daw ang CCTV nang maganap ang insidente.


source:gma

0 comments

Post a Comment