Thursday, 9 May 2019

Watch: "Viral ngayon ang Single Mother na Tindera ng Isda na Napagtapos ng Doktor ang kanyang Anak"



Para sa isang ina na tulad ni Nanay Nanita, anumang sakripisyo ay kayang suungin maibigay lamang ang pangarap para sa anak. Mag-isa niyang itinaguyod ang pag-aaral ng anak sa pamamagitan ng pagtitinda ng isda sa palengke, at ngayon ay malapit na nilang maabot ang kanilang pangarap, magiging ganap na doktor na ang anak niyang si John Nico.

Ayon sa isang video na hatid ng GMA News at Public Affairs, mas pinili ni Nanay Nanita na palakihin mag-isa ang anak na si John Nico,



kesa makasira ng ibang buhay. Huli na ng nalaman niya na pamilyadong lalaki pala ang ama ni John Nico, ngunit pinili niyang humiwalay dito upang hindi masira ang dating pamilya nito.

Simula noon, nagsumikap na siyang itaguyod ang anak sa anumang paraang kaya niya. Sinuwerte naman siyang magkaroon ng pwesto sa palengke kung saan nagtitinda siya ng isda. Mahigit 20 taon na siyang nagtitinda ng isda, at bagama’t minsan ay kulang ang kanyang kinikita sa pag-aaral ng anak, pinipilit niyang itawid ang pangarap nitong maging isang doktor.

Saksi ang anak na si John Nico sa mga sakripisyo ng ina upang maitaguyod ang kanilang pangarap. Alas singko pa lamang ng umaga ay aalis na ito ng bahay upang magtinda, kung matumal ang bentahan ay aabutin ito ng alas sais ng gabi bago makauwi. Hindi nito alintana ang sakit nito sa puso, ang mahalaga ay ang katuparan ng pagiging doktor ni John Nico.



Hindi rin nagkulang ang anak na si John Nico sa pagtulong sa kanyang ina, sa katunayan, iba’t ibang trabaho ang kanyang pinasok upang matustusan at makatulong sa gastusin sa kanyang pag-aaral. Ang apat na taong kurso ay inabot ng anim na taon dahil na rin sa kanyang pagtatrabaho.

Dahil sa sakripisyo ng mag-ina, ay tuluyan ng naging doktor si John Nico. Ngayon ay nasa residency na siya, ang huling hakbang bago siya maging isang tuluyang specialist na doktor. Ang tanging hiling ni John Nico ay sana ay maibalik niya sa ina ang sakripisyo nito sa kanya. Nais niyang magpahinga na ito sa pagtitinda at mapatingnan ang kanyang sakit sa puso.

Dinalaw ni John Nico ang ina, ng may dalang bulaklak at cake. Isa itong pagbibigay pugay sa mga paghihirap ng ina, kasama ang pagbating “Happy Mother’s Day, Mama”.



Source: Facebook

0 comments

Post a Comment